Sa dyip, walkman, dorm.
Kung bakit bumenta ang Chuck Taylors noong 1994. Kaya maraming nakyuryus
sa salitang "alternatibo," sa LA 105.9, at sa Club Dredd. Kaya
nasundan ng marami pang konsyerto ang "Bistro sa Amoranto." Sa
clubs, telebisyon, malls. Kung bakit maraming recording companies ang naglakas-loob
na mangontrata ng mga bagong banda. Kaya umalma ang senado sa mga "alternatibong
kanta." Kaya taun-taon kang nanonood ng Elvis at UP Fair.
Sa klasrum. Kaya pinag-aaralan sa Humanidades ang liriks ng "Ang Huling El Bimbo." Kung bakit pinaka-mainam na halimbawa ang studio work ng Eraserheads sa art studies subject mo sa ilalim ng prodyuser nilang tinatawag mong Sir Robin Rivera. Mula Pop U!… "Actually, nag-enrol kami sa UP para magbanda talaga, e, " sabi ni Ely. Sunday School ang pangalan ng nauna niyang grupo. Sina Marcus, Buddy at Raymund nama'y nasa bandang The Curfew, at minsan ding naging mga miyembro ng KontraGapi. Nabuo ang Eraserheads sa jamming sa dorm, nang iwanan sila ng mga kabanda. Lumanding sila sa mga pa-konsert sa loob ng UP. Ilang taon silang naging regular sa Club Dredd na nasa Timog pa noon. Nang ilabas nila ang demo tape na Pop U!, paborable ang naging rebyu ni Bomen Guillermo sa Philippine Collegian. Banda raw ang dahilan kung bakit sila pumasok sa UP, "kaso," wika ni Raymund, "hindi kami tinanggap sa (College of ) Music kasi hindi kami marunong mag-sight read (ng nota)." "Pero marunong kaming mag-read ng sights," dagdag ni Ely. Kahit sa simula'y hindi ganoon kagaling sa paghawak ng mga instrumento, ang pagiging sensitibo sa "pop music hooks" at "90s Pinoy pop culture" ang pinanghawakan ng grupo. Popular at "pang-masa" ang bansag sa kanilang musika. Gayunpaman, may pakiwaring esklusibo sa UP, halimbawa, ang isaw, tansan, at thesis sa "Ligaya," ang karakter ni "Shirley" na "naka-dress sa skwela…papunta sa CASAA," at ang pagmumukmok ng nagmumurang persona sa "Pare Ko." Bagamat pop, may hibo ng punk ang aktitud na ipinakita nila sa madla. Nang tanggapin ng maraming tagapakinig ang ultraelectromagneticpop! na inilabas ng BMG Records noong 1993, kasabay nito'y sumabog ang isang "alternatibong" eksena na nagbigay-daan sa iba pang bandang kasama nila sa andergrawnd - Color It Red, Alamid, The Youth, at Yano, na banda rin mula sa UP. …Hanggang Natin99 Milya na ang layo ng ultraelectronmagneticpop! sa pinakahuling album na Natin99 - mula sa porma, eksperimentasyon sa tunog at instrumento, hanggang sa nilalaman at tema. Habang napaka-kongretong karanasang kalye ang ibinabahagi ng "Ligaya" o "Magasin" (Circus, 1994), abstrakto at 'matayog' na ang "Kaliwete" (stickerhappy, 1997) at ang "Maselang Bahaghari" (Natin99). Kung paanong umukit ng pangalan ang Eraserheads sa eksenang kasama nilang nilikha sa gitna ng Dekada '90, ay dala syempre ng komersyal na tagumpay ng mga trabaho nila sa loob ng studio. Pero kasama ng multiplatinum ng Circus, matatagpuan ang komentaryo sa eksena at industriya ng musika sa seryeng-filler na "Punk Zappa." Maging ang mga bagong abstrakto't di-maintindihang kanta ng E'heads ay maaari pa ring tingnan bilang pagbasag sa nakasanayan nating mga titik at tugtog sa radyo - sa diwa ng "non-conformity" na aktitud na nila mula't sapul nang sumambulat ang banda. "Apolitical kami," anila. Pag-aabolish sa ROTC ang tanging "mariing paninindigan" na nabanggit nila sa maigsi naming kwentuhan. Pero sa katunayan, sa pitong mahahabang taon na nagdaan - sa "Punk Zappa," sa tema ng di mabilang na kanta, at maging sa kanilang aktitud sa harap ng midya - nakagawa ang Eraserheads ng napakaraming political statements kahit hindi nila namamalayan. Ngayon, nakakalulang isipin ang mga mensaheng pwede pa nilang iparating - lalo na kapag nagkaroon sila ng sensitibidad at sensibilidad sa pang-unawa sa mas malawak na tungkulin ng isang popular na musikero. Kung bakit sa buong Dekada '90, kwentong kalye ng apat na drop-out mula sa Diliman ang nagsumuot hanggang sa loob ng mga silid-aralan. Mas marami na silang nalaman sa labas ng UP, at mas marami pang gustong makita sa labas ng bansa. May balak pa ba silang bumalik sa skwela? "Siguro," sabi ni Buddy. "Kung wala nang classcards." "Kung
di na uso ang pera…" tapos ni Marcus. |